Read gus.pdf text version

Pagbabalik-Loob, Tadhana, at Ang Kilos ng Kasaysayan Agustin Martin G. Rodriguez Ateneo de Manila University Ang Pagkukulang at Pagsisisi ng mga Api Maraming dating kolonya ang may nananaig na hinanakit at paninisi dahil sa karahasan na nagawa ng mga kapangyarihang kolonyal sa mga nasakop na ito. Sa isang tunay na paraan, hindi makasulong ang mga dating kolonya dahil sa pagkawasak ng kalikasan at kultura na idinulot ng pagdating ng mga mananalakay. Kaya may dahilan din ang mga bayan na nakakalaya mula sa kolonyalisasyon na maghinanakit at magpataw ng bintang sa mga bayan na nakinabang sa kanilang pagdurusa -- sa mga bayan na umunlad habang patuloy na nagdurusa sa mga iniwang sugat ng kasaysayan ang mga bayang kinasangkapan. Kung tutuusin madaling maunawaan ang kanilang pagbibintang, subalit mahalagang aminin na naging mahalaga lamang ito para putulin ang mga kadena ng pagkaalipin sa dating amo. May hangganan ang halaga ng pagbibintang, at may dala rin itong panganib. Sa pagsubok na sisihin ang kontrabida, nalimutan na nating pagsisihan ang pagkukulang nating mga inapi. Madaling pag-usapan ang kasalanan ng mga may sala laban sa atin at iwasan ang sariling pagkukulang, subalit hangga't hindi natatanggap ang sariling pagkukulang mahirap lampasan ang pagkagayumang nagtatali sa atin sa pagkukulang na ito. Ang tradisyon ng apolohetikong historiograpiya sa ating bayan ay nakatutok sa pagpapalinaw kung papaano nakaugat ang ating pagdurusa sa mga gawain ng kolonyal na kapangyarihan. Naging uso, kung hindi man naging pananagutan ng mga mananaliksik ng kasaysayan, na ipakita ang Pilipino bilang biktima ng kapangahasan ng mga Kastila at Amerikano. Kaya ibinibintang ang pagkakataguyod ng pyudalismo at pagpapalaganap ng mga pagdurusang dulot nito sa mga Kastila. Iniisip natin na ang mga hacienda at ang mga pagdurusang dulot nito ay kasalanan lamang ng mga Kastila. Subalit iilan lamang ang mga hacienda na napasakamay ng mga Kastila sa buong kasaysayan ng Pilipinas. Kung tutuusin ang mga prayle lamang, na pinalitaw ng mga propagandista bilang mapangahas na tagapamalakad ng mga hacienda, ang mga Kastilang may pinakamalaking ari-arian. At kung tutuusin iba ang nakinabang sa mga hacienda. Noong nagsimulang maging mahalaga ang lupa para sa ekonomiya ng Pilipinas noong ika-19 na siglo, ang mga katutubong principalia at mestisong Tsino, o ang mga sapat na nakapasok sa sistema ng mga Kastila habang nakaugat sa katutubong kultura, ang ganap na nakinabang sa lupa. Ang mga ilustrado at kanilang mga magulang ang yumaman mula sa mga hacienda ng mga prayle sa pamamagitan ng pag-upa ng lupa mula sa mga prayle sa mababang halaga at pagpapasaka nito sa mga kasama na hindi binahagman ng sapat. Sa pamamagitan ng sistemang ito naitaguyod nila ang mga patakaran ng pakikiugnay sa mga manggagawa na nagdulot ng pagdurusa sa mga magsasaka nang ilang dekada. Hindi rin Kastila kundi kapwa Pilipino at mestisong Tsino ang nang-agaw ng lupa mula sa maliliit na magsasaka sa pamamagitan ng pagtititulo, pagpapautang, o walang pakundangang pagsakop ng lupaing pumapaligid sa kanilang mga hacienda na patuloy sa paglaki noong ika-19 na siglo.1

1John N. Schumacher, S.J., "The Philippines in the Late 19th Century: An Overview," in John N.

Kailangan nating tanggapin na may bahid ng kasamaan at pagkukulang ang ating sariling lahi. Tinanggap at pinalaganap natin ang mga istrukturang ipinataw ng mga mananakop, at kasabwat din tayo sa pagbuo nitong di-makatarungang lipunan. Nakatatakot nga itong aminin. Mas madaling isipin na hindi natin nararating ang pagbubuo dahil may isang taga-labas na humahadlang sa ating pagsulong: kaya kailangang magmula sa labas ang pagbabago. Samantalang kung nagmumula rin sa loob ang pagkukulang, kailangan nating magsisi at kailangan tayong magbago. Totoong nauunawaan natin ang pangangailangan ng pagbabago upang mapanatili nating buo ang ating bayan. Interesanteng pagtuunan ng pansin kung papaano kinikilala ang halaga ng reporma sa patakarang pang-agrikultura hindi dahil ito ang mabuti subalit dahil ito ang kailangang gawin upang hindi lumubog ang ekonomiya. Hindi pa rin natin nakikita ang ating pagkukulang bilang pagkukulang. Hindi natin nakikita kung papaano tayo nagkulang sa kapwa tao at sa sariling pagkatao. Subalit bago sumulong ang ating bayan tungo sa kanyang katotohanan, kailangan nating aminin ang ating pagkukulang upang huwag maipit sa huwad na pagsasatupad ng pagiging tao at upang mapasyahan natin ang tunay nating pagkatao. Ang Tao at ang Batayang Bukal Mahalagang mga kategoriya ang pagsisisi at muling pagbangon sa pilosopiya ni Max Scheler, at bagaman wala itong lantarang kaugnayan sa kanyang pilosopiya ng kasaysayan, maaari itong magbigay ng balangkas ng pag-uunawa sa ating sariling kasaysayan. Subalit, upang maunawaan ang konsepto ng kasalanan ni Scheler, kailangan nating maunawaan ang kanyang pag-uunawa sa tao bilang sarili. Nauunawaan ni Scheler ang sarili bilang sentrong spirituwal na ginagawang aktuwal sa pamamagitan ng mga kongkretong kilos at pasya.2 Mayroon siyang higit na dinamikong pananaw sa sarili dahil ang pagsasatupad ng aking pagka-ako ay nakasangkot sa isang walang humpay na pagsasakongkreto o pagpapa-aktuwal ng espirituwal na sentro.3 Kung baga ang sarili ang sentro na bukal ng kilos, subalit nakasangkot din ang pagiging aktuwal ito sa ating mga kongkretong pasya at kilos sa panahon.4 Ang sentro ang kumikilatis sa nararapat na pagsasakongkreto ng sarili

Schumacher, S.J., History of the Philippine Social Problem: The Socialist, Communist and Catholic Response, Selected Readings, ikalawang edisyon (Quezon City: Loyola House of Studies, 1990). Max Scheler, "Repentance and Rebirth," On the Eternal in Man (New York: Harper and Brothers Publishers, 1960), 43.

2

Max Scheler, "Exemplars of Person and Leaders," Person and Value: Three Essays, Manfred S. Frings, ed.(Dordrecht: Martinus Nijhoff, 1987), 157. Max Scheler, Man's Place in Nature, Hans Meyerhoff, trans., (New York: The Noonday Press,1961), 73.

4

3

batay sa hinihingi ng kinalalagyan. Bilang isang sentrong nagpapasya ng pagsasakongkreto, nararanasan ng espirituwal na sentro ang katalagahan bilang isang tawag para isatupad ang sarili ayon sa sariling katotohanan. Dahil walang nakatakdang kabuuan ang sarili, kailangan nitong hagilapin kung ano ang dapat isakatuparan sa bawat konkretong kalagayan. Subalit ano nga ba ang katotohanan ng sarili kung malaya nitong ipinapasya ang pagsasakatuparan? Dahil ganap na dinamiko ang proseso ng pagsasakatuparan ng sarili, maaari itong maging arbitraryo kung walang batayan. Dito pumapasok ang konsepto ng pagsasakatuparan ng sarili bilang isang tugon sa isang kaayusang sumasaibayo sa arbitraryong kalooban ng tao. Sa kanyang buod, tugon ang pagsasakongkreto ng sarili sa isang kaayusang na batayan ng pagsasakatuparan ng sarili.5 Tinatawag ito ni Scheler bilang Ordo Amoris. Ang Ordo Amoris ang balangkas ng mga halaga at esensiya na nagtatakda ng kaayusan sa mundo. Ito ang sumasaibayong bukal ng kaayusan at kahulugan ng katalagahan.6 Dahil dito may mga antas ang mga halaga at mayroon ding mga nibel ang pag-iral. Mula sa buod ng ating pagka-sarili, namamalayan natin ito bilang kaaayusang nagtatakda ng pag-iral ng katalagahan,7 at nagtatakda rin ng sukat ng nararapat at di-nararapat na pagsasakongkreto ng sarili sa isang panahon. Ito ang batayan ng karanasan ng konsiyensiya bilang kaya't na pagkamulat sa isang kaayusang nilabag.8 Nagmumula sa Ordo Amoris ang tawag na maging tao ayon sa tamang sukat.9 Hindi lamang mga konsepto o ideyal na nagmumula sa pagmamalay ng tao ang Ordo Amoris. May epektibo itong kapangyarihan sa paghubog ng buhay ng tao. Taglay nito ang mga halagang humahatak sa taong gawin ang nararapat ayon sa kaayusan ng mga halaga. Parang paraluman ng sarili, ang presensiya ng Ordo Amoris ay humahalina sa tao tungo sa isang partikular na pagsasakongkreto ng sarili. Nagagawa ito sa pamamagitan ng pagpapahayag sa tao ng halaga na dapat pag-ikutan ng mga pasya. May epektibong hatak ang halaga sa tao dahil nababatay ang kilos ng tao sa mga halagang pinanghahawakan bilang kahulugan ng kanyang sarili. Ito ang esensiya o ideya na nagbibigay depenisyon sa sarili kaya sinusubukang isakongkreto sa bawat gawain. Kaya kapag namumulatan ang tao sa isang halaga, namamalayan niya ito bilang batayan ng kanyang pagiging tao. Ang halagang pinanghahawakan ang batayan ng kanyang pagsasakongkreto ng sarili sa mundo. Nababatay ang ano mang makahulugang kilos ng tao sa mga halagang pinanghahawakan niya. Kahit ang paglikha niya ng mundo ay nababatay rito. Halimbawa, nababatay ang anyo ng bawat kulturang nililikha ng isang lahi sa mga halagang pinanghahawakan nito sa isang panahon. Ito ang dahilan kung bakit nahahango ang patakaran ng pamumuhay ng isang lahi sa kanyang

Max Scheler, "Ordo Amoris," Selected Philosophical Essays, David R. Lachterman, trans., (Evanston: Northwestern University Press, 1973), 103

6 5

Ibid., 110. Ibid., 123. "Repentance and Rebirth," 35. "Ordo Amoris," 110.

7

8

9

pagkapit sa materyalismo o hedonismo o konsumerismo bilang halaga. Ganoon din sa indibidwal: ang kanyang pamumuhay, ang pag-ayos ng personal na mundo, ay batay sa mga halagang pinanghahawakan niya bilang batayan ng kanyang buhay.10 Kaya ang susi sa pag-uunawa sa kasaysayan ng isang tao o ng isang lahi ay ang paghahagilap sa halagang sinubukan nitong isakongkreto. Dito ipinapakita ni Scheler na sa isang epektibong paraan, hinahatak tayo ng kaayusan ng mga halaga na isakatutuparan ang sarili ayon sa kaayusang patuloy na nililikha ng Diwang namamayani sa katalagahan.11 Kaayusan ng pag-ibig, o Ordo Amoris, ang kaayusang bumabalangkas sa patuloy na pagiral ng mundo dahil namumulatan ang kaayusang ito sa nibel ng damdaming moral. Hindi ito damdamin tulad ng emosyon na lumilipas at dumarating ayon sa bugso ng instingkto o pagbabago ng kimikal na kalagayan ng katawan. Ito ang kagyat na pagkabit ng kalooban sa halagang nakikilala niya bilang kanyang katotohanan. Pag-ibig ang kanyang ginagamit sa salita dahil nauunawaan ni Scheler ang pag-ibig bilang kilos ng pagbibigay ng sarili sa isang may taglay ng halagang humahalina patungo sa katuparan. Hindi isang nakatakdang batas ng mga maaari at di-maaaring gawin ang Ordo Amoris. Ito ang kaayusan ng puso na binabalangkas ng pagnanais upang makilala ang nararapat. Kumikilos ang Ordo Amoris bilang isang paghahalina sa puso o damdaming moral na piliin ang halagang magiging landas upang maisakatuparan ang isang tunay na pagsasakongkreto ng sarili. Kaya mahalagang talakayin ito bilang isang kutob na, sa nibel ng malalim na damdaming moral, hinahatak tayo sa ating katuparan at sa katuparan ng halaga sa isang panahon.12 Tinatawag nating malalim ang damdamin ng ganitong pag-ibig dahil ang unibersal na mundo ng mga purong halaga o esensiya ang obheto nito. Kagyat nitong nakikilala ang totoo at nararapat bago pa ito pagisipan. Kaya itong kaayusan ng damdamin na nakatuon sa tunay na ayos ng katalagahan ang siyang gabay sa dinamikong pagtubo tungo sa pinakaganap na "arketipo" o huwaran para sa tao.13 Nakatali ang pagsasakatuparan ng tao ng sarili sa hatak ng halaga sa kalooban. Ito'y hatak upang isuko ng tao ang sarili sa pagsasakongkreto ng sarili na hinihingi ng halaga. Ang lumabag sa kaayusang humahalina sa ating katuparan ay nagkukulang sa kaayusang itinakda ng Batayang Bukal ng Katalagahan.14 Ang Lugar ng Tao sa Katuparan ng Mundo Nagmumula ang Ordo Amoris sa Batayang Bukal na lumilikha, nagpapa-iral, at nagbibigay kahulugan sa katalagahan.15 Hindi nagmumula sa tao ang kahulugan o esensiya ng

10

Ibid., 98. Man's Place In Nature, 48. "Ordo Amoris," 100. Ibid., 109. Ibid., 111-12. Ibid., 110.

11

12

13

14

15

katalagahan. Nagmumula ito sa isang sumasaibayong kamalayan at kapangyarihan. Subalit sa pamamagitan lamang ng gawa ng tao nagiging aktuwal na balangkas ng pagdirito16 ang Ordo Amoris. Kung hindi isatupad ng tao ang kanyang pag-iral bilang isang nagbabahagi ng kahulugan sa katalagahan, balangkas ng posibilidad na walang aktuwal na impluwensiya sa katalagahan ang Ordo Amoris. Kaya sa bawat sandali, sa pamamagitan ng hatak ng pag-ibig, tinatawag ang taong isakatuparan sa mundo ang Ordo Amoris. Nararanasan ng tao ang Ordo Amoris bilang tawag na kailangang panagutan--isang tawag ng dapat. Ito ay sa dahilang sa pagsasakatuparan niya ng sarili ayon sa tawag ng kaayusan, naisasakongkreto niya sa mundo ang mga halaga, at sa ganoong paraan din niya nadadala ang mundo sa kaayusan ng mga halaga. Mabigat itong pananagutan dahil nakasalalay ang proseso ng pagiging aktuwal ng Ordo Amoris sa pagsasakatuparan ng tao sa kanyang sarili. Sa isang tunay na paraan, nakasalalay ang kabuuan at harmoniya ng uniberso sa pagsasakatuparan ng tao sa Ordo Amoris. Ito'y dahil ang tao lamang ang punto ng pagtatalaban ng Diwa at Bisang umapaw mula sa Batayang Bukal. Nakikita ni Scheler na babad ang katalagahan sa Diwa at Bisang umaapaw mula sa Batayang Bukal. Ang Diwa ang siyang may taglay sa espirituwal na aspeto ng katalagahan. Nakasalalay ang katalagahan bilang makahulugan at mauunawaan sa pagkaugat nito sa Batayang Bukal bilang Diwa.17 Dito nagmumula ang kahulugan at esensiya ng katalagahan. Ang Diwa na tinutukoy niya ang isip o espirito na bukal at batayan ng sining, kultura, agham, at lahat ng gawaing tao na lumilikha ng makahulugang mundo. Sa buong katalagahan, tao lamang ang may taglay ng ano mang aspeto ng Walang Hanggang Diwa na umaapaw mula sa Batayang Bukal. Tao lamang ang matatawag na sentro ng paggawa at pag-uunawa na may kakayahang umunawa sa mga halagang nasa buod ng katalagahan, at siya lamang ang maaaring magpasya at tumupad ng sarili ayon sa mga halagang ito.18 Sabay ng Diwa, naroon din ang Bisa na umaapaw mula sa katalagahan. Ito ang Bisa ng Buhay at Pagmemeron na bulag na itinutulak ang katalagahan sa pagiging.19 Nararanasan natin ito bilang madilim na chaos na basta tumutulak sa pagtubo at pag-iral.20 Ito ang bisa ng pananatili laban sa pagka-wala at dahil ito ang bisa ng pagiging aktuwal ng katalagahan.21 Ang instingkto at walang malay na kilos ng mga nabubuhay tungo sa buhay ay mga tanda ng bisang ito. At walang nagmemeron na hindi kagyat na nakaugat sa bisang ito. Kahit ang tao sa kanyang kilos ng pagiging at pananatili sa buhay ay umiiral ayon sa tulak ng Bisa. Ang kanyang organikong katawan at ang kanyang pagmamalay na nakatutok sa pagpapanatili ng organikong katawan ay nagtatali sa walang malay na puwersa ng pagiging aktuwal.

Sa salitang "pagdirito" binibigay diin ang ideya ng isang kongkretong pag-iral, isang tunay na umiiral dito sa harap ng akong nakikitagpo. 17 Man's Place..., 55.

18 16

Ibid., 41-42. Max Scheler, "Man in the Era of Adjustment," (), 110. Max Scheler, "Shame and Feelings of Modesty," (), 11. Man's Place...," 51.

19

20

21

Itong Bisa ang may taglay ng puwersa na tumutupad sa pagka-aktuwal ng lahat ng nagiging. Kahit ang pinaka-espirituwal na katotohanan ay naisasakatuparan lamang dahil sa puwersa ng pagsasakatuparan na taglay ng Bisa.22 Maaaring makita kung papaano nakatali ang paglikha ng sining sa bisa ng seksuwalidad halimbawa. At bilang puwersa ng buhay, ito ang nagpapasulong sa kasaysayan ng tao. Halimbawa, ito ang Bisa na nagtutulak sa taong maghanap ng materyal na pangangailangan, magparami, at bumuo ng mga kaugnayang panlipunan na titiyak sa pananatili ng lahi. At dito nagmumula ang puwersa na nagtutulak sa taong lumikha ng kultura at lumikha ng mundo. Bagama't hindi ito ang nagbibigay ng direksyon, ito ang nagbibigay ng tulak at pagnanais na lumikha. Ang kilos ng bisang ito sa panahon ang tinatawag ni Scheler na "Kongkretong Kasaysayan."23 Naroon din para kay Scheler ang "Ideyal na Kasaysayan." Ang "Ideyal na Kasaysayan" ang kilos ng Diwa sa panahon. Ito ang kasaysayan ng mga ideya at halaga na humuhubog sa panahon. Ito ang presensiya ng mga halaga at ideya sa tao -presensiya na nagiging gabay sa kanyang pagpapaagos ng mga bulag na bisa tungo sa pagpapaaktuwal ng spirituwal na katotohanan. Ito ang gumagabay at nagbibigay direksyon sa mga Bisa sa pamamagitan ng paghadlang at pag-akit upang dumaloy ang mga bisa tungo sa pagsasakatuparan ng mga partikular na halaga.24 Subalit hindi ito ang may hawak ng kilos ng panahon o pagsasakatuparan ng katalagahan. Isa lamang itong aspeto ng pagsasakatuparan ng Batayang Bukal sa kasaysayan. Magkaugnay ang Bisa at Diwa sa isang dialektika ng pagpapa-aktuwal kung saan ang Bisa ang puwersa na batayan ng pagsasakatuparan ng Diwa sa katalagahan habang ang Diwa ang nagbibigay-direksyon at kahulugan sa kilos ng Bisa.25 Samakatwid, upang maisakatuparan ang proseso ng pagiging aktuwal ng Batayang Bukal sa panahon, kailangang ganap na magtagpo ang dalawang aspeto nito. At sa buong katalagahan tao lamang ang tagpuang ganap ng Diwa at Bisa. Subalit laging naaayon sa hangganan ng kanyang pagsasakasaysayan ang katuparan ng pagtatalaban nito sa panahon. Dahil nakatali ang maisasakatuparan ng tao sa balangkas ng posibilidad na taglay niya. Lilinaw ito sa ating pagtatalakay sa konsepto ng Buong Tao at Relatibong Buong Tao. Ang Buong Tao at ang Pagtatalaban ng Bisa at Diwa May konsepto si Scheler ukol sa isang ontolohikong batayan ng pagiging tao ng tao. Tinatawag niya itong Buong Tao dahil taglay nito ang ganap na pagtatalaban ng Bisa at Diwa.26 Itong Buong Tao ang siyang may taglay ng pinakaganap na tensiyon sa pagitan ng Diwa at Bisa.27

22

Ibid. Max Scheler, The Sociology of Knowledge, (), 53. Ibid., 37-38. Ibid., 53-54. Max Scheler, "The Future of Man," 105-6. Ibid., 113.

23

24

25

26

27

Samakatwid umiiral ang Buong Tao bilang pinaka-ideyal na pagsasakatuparan ng dialektikong 29 pagtatalaban ng Bisa at Diwa.28 Ideyal ang pag-iral nito, isang batayan ng pagiging , at hindi partikular o aktuwal na tao -- kung uunawain natin ang pagka-aktuwal bilang isang nagdirito sa mundo ng panahon at kalawakan. Bilang ideyal, mayroon itong paghalina sa espirito ng tao. Sa kanyang kongkretong pag-iral sa panahon, ayon sa pagsasakasaysayan, nararanasan ng tao ang hatak ng Buong Tao sa kanyang kalooban. Subalit walang nakatutupad nito sa panahon. Hindi ang Buong Tao kundi isang Relatibong Buong Tao ang naisasakatuparan.30 Ang Relatibong Buong Tao ang pinakaganap na posibilidad ng pakikibahagi sa Buong Tao na maisasakatuparan ng indibidwal o lahi sa loob ng mga kongkretong hangganan ng pagsasakasaysayan -- isang partikular na katuparan o "maximum" ng Buong Tao na maisasakatuparan sa isang partikular na panahon.31 Ito ang nakatakdang kaganapan ng tao ayon sa partikular na kondisyong itinatakda ng pagtatalaban ng Konkretong Kasaysayan at Ideyal na Kasaysayan. Itinatakda ng pagtatalaban ng kilos ng Bisa at Diwa sa panahon ang maaari at dimaaaring isakatuparan ng tao. Ito ang tinatawag niyang Kapalaran: o ang balangkas ng posibilidad na itinatakda ng partikular na kompigurasyon ng mga materyal at espiritwal na elemento ng katalagahan. Hindi natin hawak ang Kapalaran. Kung tutuusin hawak tayo nito bilang tagapagtakda ng mga hangganan ng ating pagiging tao at ng ating paglikha ng mundo. Subalit ito rin ang balangkas na nagbibigay ng posibilidad sa ating pagsasakatuparan ng Buong Tao.32 Sa abot-tanaw ng mga hangganang ito, kailangan ng taong hanapin ang kanyang sarili o ang kanyang kaganapan ayon sa mga posibilidad ng partikular na kalagayan sa katalagahan. Ang kaganapan na tinatalakay rito ni Scheler ay ang pinakamalikhaing pagkakaisa ng Diwa at Bisa tungo sa pagpapa-aktuwal ng tao at ng katalagahan. Kumbaga may partikular na kaganapan na kailangang isakatuparan ng tao kaugnay ng walang-hanggan sa isang partikular na panahon. Tadhana ng tao ang matuklasan ito at, sa pamamagitan na pagsasakatuparan ng sarili, maisakatuparan din ang pinakaganap na pagsasakongkreto ng Batayang Bukal sa loob ng mga hangganan.33 Kung ang Kapalaran ang balangkas na nagtatakda ng mga posibilidad at hangganan ng pagpapa-aktuwal ng tao, ang Tadhana ang katuparang nakatakda para sa tao sa loob ng balangkas na ito. Tinutukoy ng Tadhana ang karanasan ng tao na tinatawag siya ng kalagayan sa kanyang bukod tanging pagsasakatuparan sa Relatibong Buong Tao. Ayon sa kanyang kongkretong pagsasakasaysayan, tinatawag siyang tuklasin ang isang kaganapang nararapat sa kanya upang marating ng Batayang Bukal ang kaganapan nito sa bawat partikular na ngayon at dito. Sa pamamagitan ng taong tumutupad sa sariling Tadhana nagiging aktuwal ang Batayang

28

Ibid., 117. Sa "pagiging", binibigyang diin ang pag-iral bilang kilos tungo sa kalayaan. "Era of Adjustment...," 102. "Future of Man," 105-6. "Ordo Amoris," 102. Ibid., 103.

29 30

31

32

33

Bukal sa katalagahan. Nakatali ang katuparan ng katalagahan sa pagsasakatuparan ng tao sa kanyang Tadhana dahil sa kanya umiikot ang proseso ng katuparan ng buong katalagahan.34 Sa kanyang mga malikhaing paggawa sa mundo bilang sumasakatawang diwa lumilitaw ang dialektikong pag-iisa ng Diwa at Bisa. Sa pamamagitan ng gawa ng tao may aktuwal na presensiya ang Diwang umaapaw mula sa Batayang Bukal sa katalagahan. Babad ang kilos ng mga bulag na Bisa sa kahulugan dahil napapaagos ng tao ang mga bisang ito sa pagpapatupad ng Diwa. At dahil sa pagtatalabang ito, nagiging mulat ang Batayang Bukal sa sarili bilang isang manlilikha. Sinasabi ni Scheler na sa pamamagitan ng paggawa ng tao, nagiging mulat ang Batayang Bisa sa sarili. Sa ganoon, hindi lamang ito isang bulag na pagkapuno na umaapaw sa bulag na paglikha. Dahil sa pagkamulat sa sarili, ang Batayang Bukal ay nagiging Diyos, o isang manlilikha na mulat na nililikha at hinahatid sa katuparan ang katalagahan. Para kay Scheler na metapisiko, mahalaga itong Batayang Bukal bilang ontolohikong batayan ng pagiging na nagtatakda ng pag-ikot ng mundo. Subalit nakikita ni Scheler na pilosopo ng karanasang relihiyoso na itong Batayang Bukal ay may potensiyang maging isang mulat na manlilikha na may presensiya bilang persona sa mga nilikha. Subalit lumilitaw lamang itong pagka-Diyos ng Batayang Bukal sa pagsasakatuparan ng tao ng sarili.35 Habang patuloy na binubuo ng tao ang mundo bilang aktuwal na katuparan ng pagtatalaban ng Bisang nagdadala ng Diwa sa aktuwalidad at Diwang nagbibigay ng kahulugan sa aktuwalidad ng Bisa, lalong nagiging presensiya ang Batayang Bukal sa katalagahan bilang persona. Dahil habang hinahagilap ng tao ang kanyang Tadhana, lalo siyang namumulatan sa Batayang Bukal bilang sumasaibayong Ikaw na gumagabay sa taong mahanap ang sariling katuparan.36 Lalo nating nahahagilap ang ating Tadhana, lalo rin nating ginagawang kongkreto ang presensiya ng batayan at bukal ng nagtatalabang Bisa at Diwa. Kaya sinasabi ni Scheler na nakatali ang paglitaw ng Diyos sa paglitaw ng tao. Ang tao ang nagpapalitaw ng presensiya ng Batayang Bukal sa katalagahan. Itong presensiya ng Batayang Bukal sa katalagahan ang paglitaw ng Diyos sa katalagahan. Bagaman hindi malinaw ang kahulugang ibinibigay ni Scheler sa paglitaw ng Diyos mula sa Batayang Bukal, malinaw na ang Diyos na lumilitaw ang siyang kapunuuan ng Bisa at Diwa na patuloy na nakasangkot at humuhubog sa katalagahan. Itong patuloy na pagkasangkot at paghubog ay naisasakatuparan lamang sa pamamagitan ng tao.37 Kaya lalong naisasakatuparan ng tao ang mga halaga sa aktuwalidad, lalong lumilitaw ang Diyos sa katalagahan.

34

Ibid., 104-5 Man's Place..., 69 at 92.

35

Ito lagi ang larawan ng Diyos kapag tinatalakay ni Scheler ang karanasan ng tao sa Diyos. Ito halimbawa ang Diyos na makikita sa buong pagmumunimuni niya sa pagkukulang at pagligtas ng Diyos sa tao mula sa pagkukulang. At ganoon rin ang karanasan niya sa Diyos sa pagtatalakay niya ng kranansan ng pagpapakumbaba. Tignan ang "Repentance and Rebirth" at "Humility," sa Aletheia II, (1981), pp. 210-219.

37

36

Man's Place..., 71-72.

Malinaw ngayon kung ano ang nakasalalay sa pagsasakatuparan ng tao sa kanyang Tadhana: nakasalalay sa kanyang pagtugon sa tawag ng Ordo Amoris ang katuparan ng mundo at ang paglitaw ng Diyos. Kaya kapag siya'y nagkukulang nararanasan niya ito bilang mabigat na pasanin. Dahil kapag ipinasya niyang isakatuparan ang sarili bilang isang pagtalikod sa itinakda ng Kapalaran bilang Tadhana, ang paglitaw ng Diyos mula sa Batayang Bisa at ang katuparan ng katalagahan ay hindi naisasagawa. Sa tao umiikot ang proseso ng "pagsasakatawan" ng katalagahan sa walang hanggang kaayusan ng mga halaga.38 Umiikot sa tao ang proseso ng pagiging na humuhubog sa katalagahan ayon sa walang hanggang Diwa at Bisa ng Batayang Bukal.39

Ang Kapalaran at Kalayaang Lumikha ng Kasaysayan Mula sa nakita na natin, tila nasa kamay ng tao ang katuparan ng mundo. Subalit hindi ito ang nais ipakita ni Scheler. Ang interesanteng bigyan ng pansin sa kanyang pananaw ukol sa kasaysayan ay ang kanyang pag-uunawa sa pagsasaibayo ng proseso ng pagiging aktuwal ng Diyos, ng mundo, at ng tao sa ano mang mahahawakan ng tao. Wala sa kapangyarihan ng tao ang proseso ng pagiging aktuwal ng katalagahan bagaman ang kanyang kasaysayan ang kinaiikutan ng buong proseso. Malinaw ito sa pag-uunawa ni Scheler sa kahulugan ng kanyang panahon. Tinawag niya ang kanyang panahon bilang "Panahon ng Paghahagilap sa Sukat."40 Sa panahong ito sinusubukang iwasto ang huwad na pagbibigay diin sa katwiran bilang batayan ng pagiging tao at ang huwad na paghihiwalay ng katwiran sa mga bisa. Sa kanyang pakiwari, sa pagsapit ng ika-20 siglo, muling lumitaw ang instingkto at bisa bilang mahahalagang aspeto ng pagka-tao.41 Kaya ipinapakita niya ang pangangailangan ng pagpapalitaw ng madilim na bahagi ng tao na hindi sumasailalim sa katwiran kundi kasing bisa ng katwiran sa pagpapa-aktuwal ng tao sa kanyang sarili.42 Ito ang sinusubukang palitawin ng paglalarawan ng mga pilosopo sa tao bilang "Taong Dionisio," o ang taong nabubuhay ayon sa madidilim na bisa ng buhay at tumatanggi sa katwiran bilang pagkukulang at pagkawasak ng tao. Ito ang taong tumatanggi sa katwiran at kanluraning rasyonalidad bilang balangkas ng pagiging tao. Kinikilala ni Scheler ang paglitaw ng "Taong Dionisio" bilang reaksyon sa pagbibigay ng diin ng kanluran sa katwiran bilang batayan ng pagkatao ng tao, at sa pagtatalikod sa sarili bilang organismong nakikibahagi sa mga bisa ng pag-iral na tahimik na dumadaloy sa dugo ng katalagahan. May lumilitaw na bagong pakikisangkot ang tao sa katalagahan at sa kanyang sarili.

38

Ibid., 71. "Future of Man," 117. Ibid., 106. Ibid., 111. "Era of Adjustment...," 110.

39

40

41

42

Sa kanyang paghahagilap ng tunay o nararapat na sukat ng pagtatalaban ng mga aspeto ng kanyang sarili may lumilitaw na bagong tao. Bagaman hindi pa malinaw kung anong tao at anong mundo ang lilitaw mula rito, malinaw na may nagaganap na dialektika ng pagbabalanse at pagbubuo. Madaling isipin na tao ang nagtatakda ng pagbabago. Tila nasa kanyang pagpapasya ang pagdating ng panahon ng paghahagilap sa tunay na sukat. Subalit ipinapakita ni Scheler na kusa itong nagaganap43 at hindi ipinasya ng tao. Lumitaw ang panahon bilang bunga ng dialektikong pagtatalaban ng Bisa at Diwa. Totoong mahalaga pa rin ang tao sa proseso dahil kung wala siya, walang potensiyal na maging aktuwal ang proseso. Subalit hindi siya ang nagtatakda ng papaano at bakit ng proseso. Bagaman ipinapahiwatig ni Scheler na pananagutan ng taong gabayan ang proseso tungo sa katuparan, hindi siya ang namamayani dito.44 Sa ganitong kalagayan, makikita na sabay nasa kapangyarihan ng tao at wala sa tao ang kilos ng kasaysayan. Samakatuwid maitatanong kung mayroon kaya siyang pananagutan sa kasayasayan. Ano ang kanyang tungkulin sa pagsasakatuparan ng proseso ng pagiging aktuwal ng Ordo Amoris kung tila awtomatiko na lang nitong naisasakatuparan ang proseso? Upang masagot ito, dapat tayong bumalik sa paguunawa ni Scheler sa kutob at sa kaayusan ng pag-ibig. Sumasaibayo sa maitatakda ng tao ang kilos at pagtatalaban ng Bisa at Diwa sa panahon. Wala sa kanyang kamay ang timpla ng pagtatalaban na lilitaw dahil hindi siya ang nagtatakda ng paglitaw ng mga halagang panghahawakan o dapat panghawakan ng isang panahon at hindi rin siya ang makakapagsabi kung papaano kikilos ang mga elemento ng Bisa at Diwa upang ihubog ang tawag ng halaga. Bagama't tilang nasa ating kamay ang paglitaw ng mga sistemang ekonomiko o kaugnayang panlipunan at ang mga sistema ng halaga at ideya na sumasailalim dito, ito'y ilusyon ng pagbabalik-tanaw. Dahil sa pagbabalik-tanaw, malinaw nating nakikita kung papaano lumitaw ang partikular na kompigurasyon ng isang siglo mula sa kilos ng sangkatauhan. Subalit ang lumilitaw bilang kaayusang itinatakda ng tao ay kaayusang bunga ng kanyang pagkasangkot sa at pagsasatupad ng proseso ng pagtatalaban ng Bisa at Diwa na siyang nagbibigay anyo sa isang panahon. Tinutulak ang tao ng Bisa at Diwa upang isatupad ang mga partikular na kilos tungo sa pagsasakonkreto ng halagang hinihingi ng dialektikong pagtatalaban. Totoong nakasangkot ang aktuwal na bunga ng pagtatalaban sa paggawa ng tao, subali't hindi ang tao ang nagtatakda ng hugis nito. Tulad ng nasabi, tugon sa Ordo Amoris ang ano mang hugis ng panahon na naisasatupad ng tao. Samakatwid, ang paggawa ng tao'y tugon sa hinihingi ng kaayusang itinakda ng Diyos. Mahalagang makita na nakasalalay ang pagsasatupad ng tao sa tadhana bilang tugon sa Diyos dahil nakaugat ang Ordo Amoris sa Diyos bilang personang batayan at bukal ng katotohanan ng mundo. Kung hindi persona ang bukal ng halaga, walang bisa ang Ordo Amoris dahil nababatay ang bisa ng kaayusang ito sa pag-ibig, o personal na kaugnayan ng isang sumasakatawan ng halaga at isang naaakit ng sumasakatawan sa halaga.45 At ang konkretong kilos ng tao sa panahon ay tugon ng pag-ibig sa Kanyang may taglay ng halaga.

43

"Future of Man," 106-7. "Era of Adjustment...," 103.

44

Tignan ang pagtatalakay ni Scheler sa Pag-ibig sa "Toward a Phenomenology of Love and Hatred," The Nature of Sympathy, Peter Heath, trans., (London:Routledge and Kegan Paul, 1979), 151.

45

Kung makikita lamang ng tao ang katalagahan mula sa mata ng Diyos46 bilang manlilikha at bukal ng Ordo Amoris, mas madali para sa kanyang mamulatan sa tugon na dapat niyang ibigay sa panahon;47 magiging madali para sa tao ang maging ganap. Subalit sumasaibayo sa mga kakayahan ng karaniwang tao ang makita ang katalagahan mula sa mga mata ng Diyos at makita ang mga dalisay na halaga na nararapat isakatuparan sa panahon. Bilang isang binubuo ng Diwa at Bisa, kailangan siyang akitin ng halaga sa kanyang kabuuan bilang Diwa at Bisa. Ang pag-ibig bilang kilos ng pag-akit ng Bisa at Diwa ng tao tungo sa mataas na halaga ang makapaghatid sa tao sa kanyang katuparan. Ang pag-ibig ay pagbaling ng buong tao sa isang paraan ng pag-iral ayon sa hinihingi ng isang nagsasakatawan ng halaga. Kapag ang tao'y umiibig, ang kanyang buong katauhan ay nahahalina ng taong may taglay ng halaga na makibahagi sa buhay niya. Samakatwid, upang mahalina ang kabuuan ng tao sa pagsasatupad ng nararapat, kailangan siyang makatagpo ng isang sumasakatawan sa halaga.48 Dito nakikita ang halaga ng mga Huwaran, o ng mga taong sumasakatawan ng mga halaga na dapat isakatuparan ng sangkatauhan.49 Ang mga Huwaran ang sumasakatawan sa Relatibong Buong Tao ng isang panahon. Nakikilala ng mga tao ang mga Huwaran bilang pagsasakongkreto ng halagang nakukutuban ng kanilang pinakamalalim na sarili bilang nararapat. Ito ang kutob sa buod ng ating pagkatao sa halagang dapat nating isakatuparan.50 Mula sa kutob na ito sinubukan nilang mabuhay tulad ng huwaran.51 Hindi pinipili ng madla ang mga halagang dapat nilang isakatuparan. Basta't hinahatak sila ng malalim na damdamin ng pag-ibig bago pa sila makapasya. Bunga ang hatak ng isang pagbaling sa taong sumasakatawan sa halaga. Sa ganitong paraan naisasakongkreto ng madla ang mga halaga sa kasaysayan. Kahit hindi sila mulat sa mga halagang ito mula sa kaganapan ng pagkamulat ng Diyos naroroon ang kapwang nagdadala ng kongkretong presensiya nito. At may hatak ang pagsasakongkretong ito upang akitin ang taong ipadaloy ang mga Bisa tungo sa pagsasatupad ng halaga. Tinutulungan tayo ng pag-akit ng mga Huwaran na ituon ang mga bisa ng pagiging sa mga halagang itinadhanang maging aktuwal. Ang mga Huwaran ang umaakit sa taong dalhin ang mga bisa sa katuparan ng tao sa isang panahon. At bilang kongkretong pagsasakatuparan ng halaga, ipinapakita nila ang mga posibilidad at hangganan ng ating panahon.52 Sa pamamagitan nila, natutuklasan natin kung sino tayo.

46

"Exemplars...," 189 at "Humility," 214. Ordo Amoris, 107. "Exemplars...," 142-43. Ibid., 133. Ibid., 157. Ibid., 139. Ibid., 144.

47

48

49

50

51

52

Kaya dito nakikita natin na may dalawang paraan ng pagtuklas ng tao sa sarili. Higit na karaniwan ang pagkamulat sa pamamagitan ng pag-ibig sa Huwaran. Subalit naroroon din ang posibilidad ng pagkamulat sa pamamagitan ng mga mata ng Diyos mismo. Ito tiyak ang karanasan ng mga mistiko at ng mga nananalig. Subalit ano man ang paraan ng pagdating sa mga halaga, malinaw na biyaya ang pagkamulat. Itong mga halagang humuhubog sa panahon at nagpapamulat sa ng pinakamalalim na posibilidad ng sarili ay wala sa kamay ng tao. Hindi pinipili ng tao kung anong halaga ang magpapakita at huhubog sa kanyang panahon. Basta't magpapakita ang halagang nararapat ayon sa sarili nitong panahon. Masasabing biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng Ordo Amoris ang pagkamulat sa katuparan ng sarili na hinihingi ng panahon. Binibiyaya ng bukal ang pag-ibig at pagbaling sa mas totoong halaga. Nasa kamay lamang ng tao ang pagtugon o pagtanggi sa halaga. Pagsisisi at Pagtubos ng Panahon Mahalagang mamulatan ang tao sa mga halagang ito dahil sa pamamagitan ng pagkamulat, napapaagos niya ang kapangyarihan ng Bisa tungo sa pagsasakatuparan ng halaga. Dahil iniibig ang mga Huwaran, bago pa pag-isipan o ipasya, kagyat na dinadala ng pag-ibig ang kalooban ng tao sa pagsasakatuparan ng mga halagang isinasakatawan ng obheto ng pag-ibig. Sa ganitong paraan, kagyat na napapaagos ng presensiya ng Huwaran ang mga Bisa tungo sa direksyong itinatakda ng Ordo Amoris. At mula sa ating pasikut-sikot na pagmumuni-muni, dito natin natutuklasan ang halaga ng pagbabalik-loob at muling pagsilang sa kasaysayan. Nakita natin na may posibilidad na maaaring tumanggi ang tao sa nararapat na pagsasakongkreto ng sarili ayon sa tawag ng Ordo Amoris. Maaari nating ihatid ang mga bisa ng pagiging aktuwal sa pagsasakatuparan ng mga halagang mas mababa ang antas kaysa sa hinihingi ng isang partikular na panahon. Madaling tanggihan ang nararapat at isakongkreto ang sarili o lipunan sa paraang labag sa katotohanan. Subalit hindi ito namamalayan bilang pagkukulang sa nararapat hangga't hindi nakikita ang posibilidad ng katuparan. Ito ang halaga ng Huwaran. Mula sa kanilang pagpapahayag ng halaga, nakukutuban natin kung papaano nagkulang ang isinakongkretong sarili sa mabuti at nararapat. At ang pagkamulat na ito ang bukal ng pagsisisi. Mula sa mas mataas na nibel ng pagkamulat sa halaga, nakikilala natin kung saan dapat dinadala ang mga bisa ng buhay. Sa mas mataas na nibel ng pagmamalay at pakiki-ugnay, biyaya rin ng Batayang Bukal bilang Diyos ang posibilidad ng pagsisisi. Malinaw para kay Scheler na may kakayahan ang Diyos sa kanyang personal na kaugnayan sa tao na ipamulat sa tao ang mundo mula sa abottanaw ng banal. Mula sa abot-tanaw na ito natutuklasan ng tao sa isang mas direktang paraan ang kanyang sariling katuparan at kung gaano kalayo ang kanyang isinakongkretong sarili mula rito.53 Subalit sabay ng pagkamulat sa pagkukulang, dumarating ang pagnanais na abutin ang mas mataas na halaga. Sa ganoong paraan biyaya ng pagsisi ang muling pagsilang sa mas tunay na sarili. Mahalagang makita na biyaya itong pagsisi at muling pagsilang.54 Wala sa kamay ng tao

53

"Repentance and Rebirth," 52-53. Ibid., 60.

54

ang naising makita ang kanyang pagkukulang. Wala sa kanya ang pagdating ng Huwaran sapagkat kahit ang Huwaran ay hindi mulat sa sarili bilang nagdadalang halaga: basta't nabubuhay siya bilang isang nabihag ng halaga. Wala rin sa kapangyarihan ng tao ang pagpipilit sa Diyos na dalhin siya sa pagkamulat mula sa mata ng Banal. Nakasalalay lamang sa kalooban at kapangyarihan ng Diyos ang pagdating natin sa proseso ng pagkamulat sa pagkukulang at pagkapit sa halagang magdadala sa katuparan.55 Sa isang banda, tila nakakabagabag ang pananaw ni Scheler sa panahon dahil pumapasok dito ang isang uri ng pagpapakulong sa tadhana. Wala sa kamay ng tao ang paghubog ng kanyang sariling kasaysayan at, higit sa lahat, wala sa kanyang kakayahan ang ibangon ang sarili mula sa kanyang pagsasakatuparan ng huwad na Tadhana. Subalit may isang uring realismo din sa pananaw ni Scheler sa kasaysayan. Kinikilala niya nga kung papaano nakasalalay ang ating pagdating sa sarili sa mga bisang sumasaibayo sa ating mapanghawakan, subalit malinaw rin sa kanya na kinailangan ng mga sumasaibayong bisang ito ang tao upang maisakatuparan. Nakasalalay sa tao ang pagsasakatuparan ng panahon. Kailangan niyang kilalanin ang mga halagang may tawag sa kanya mula sa Ordo Amoris. At sakaling magkulang siya sa tawag kailangan niya muling makilala ang tawag ng pagbabalik loob at ang muling pagsilang sa katotohanan. Dahil habang nananatili ang tao sa kanyang pagkabulag, hindi nagiging posible ang pagiging aktuwal ng Ordo Amoris. Sa buod ng makahulugang paggawa sa panahon, nararapat kumilos ang tao sa isang sabay na pagkilala sa kanyang tungkulin bilang kinaiikutan ng dialektikong bisa ng pagdating ng mundo sa pagkaaktuwal at sa kanyang pagkabitin sa biyaya ng Diyos bilang siyang nagpapamulat sa halaga at humahatak sa taong isakatuparan ang pinakamalalim na sarili. Kay Scheler, nakikita natin na sa ating paghahatid ng mundo sa aktuwalidad, sa ating paghubog ng panahon, nakasangkot tayo sa laro ng kutob at pasya, kapalaran at kalayaan. Malinaw na nakaugat ang katuparan ng tao sa isang kutob na tumatagos sa pinakabuod ng katalagahan upang mamalayan ang pinakamalalim na katotohanan nito. At mula sa kutob dumarating ang hatak na naisin ang totoo sa isang kilos ng pag-ibig. Subalit, sabay nito, naroon din ang pangangailngang magpasya na magbukas sa pag-ibig o magsara sa pagkapoot, magpahatak sa mataas na halaga o tumalikod sa tawag ng halaga. Maraming nakatali sa paggawa ng tao: ang kanyang katuparan, ang katuparan ng kanyang lipunan, ang katuparan ng katalagahan, at higit sa lahat ang katuparan ng Batayang Bukal sa pagiging Diyos. Nagaganap ang pananagutang ito sa balangkas ng kanyang kapalaran na nagtatadhana sa kanyang posibleng katuparan. Bago pa tayo mamulat sa ating kalayaang magpasya, nakatakda na ang ating mga posibilidad sa panahon. Subalit sa loob ng Tadhanang ito, naroroon ang kalayaang tumugon o tumalikod sa tawag. At tumalikod man siya o tumugon, nakasalalay sa kanya ang pagdating ng katalagahan. Kaya bagaman nakatadhana ang kanyang pag-iral bilang pangunahing manlalaro sa laro ng kapalaran, naroon din ang ating kalayaan sa paglikha ng bawat ngayon at dito. Katuparan ng bawat ngayon at dito ang pagiging aktuwal sa panahon ng kaayusang nagmumula sa Ordo Amoris. Upang maisakatuparan ito, hinihingi sa tao ang isang radikal na pagkabukas upang siya ay makatugon sa kaayusan ng pag-ibig na humahalina sa kanya tungo sa

55

Ibid., 61.

katuparan. Hinihingi sa kanya na gamitin ang kanyang kalayaan upang makibahagi sa mga kilos ng mga prosesong sumasaibayo sa kanyang kapangyarihan. Dapat malinaw sa tao na nakasalalay rin sa paggawa niya ang pagsasakongkreto ng Diwa at pagkakaroon ng direksyon ng Bisa sa katalagahan. At dahil dito, ang kanyang pagkukulang sa pagsasakatuparan ng hinihingi ng Batayang Bukal ay tunay na pagkukulang, hindi lamang sa sarili, kundi sa pagiging ng katalagahan. Mahalagang makabangon ang isang tao, isang lahi, isang henerasyon, kahit ang isang buong bayan mula sa kanilang pagkukulang dahil madaling magayuma sa mga huwad na pagsasakongkreto ng sarili. Madaling basta magpadala sa daloy ng kinasanayang pagkukulang, at sa ganoon mabulag sa tunay na tawag ng Ordo Amoris. Malinaw ito sa ating sariling karanasan bilang bayan. Patuloy na umiiral ang mga strukturang panlipunan na bunga ng ating sariling pagkukulang sa Tadhana. Dahil noong hiningi ng kasaysayan ang mga bayani at santo, lumitaw ang mga maestro ng masaganang buhay at pananatiling buhay ano man ang kapalit. Maraming pagkakataon sa ating kasaysayan para maisatupad natin ang ating pagdating sa makatao't makatarungang lipunan subalit, dahil hindi natin pinagsisihan ang pagkukulang ng nakaraan, dahil hindi natin ito nakikilala bilang pagkukulang, hindi natin makita ang tawag ng ating Tadhana. Matagal na rin nating naiwasan ang pagharap sa ating pagkukulang dahil ginawang madali ng isang istilo ng pananaliksik ang pagtago ng sariling pagkukulang sa pagpapalitaw sa kasamaan ng dating amo. Subalit papaano matutuklasan ang posibilidad ng pagtubo o pagsulong kung nakakulong tayo sa isang siklo ng sinungaling na pagsasakongkreto? Ang atin ay isang bayang nakakulong sa mga sistemang pinakikinabangan lamang ng mga may hawak sa sistema. Ang mga nasa labas ay halos hindi nabubuhay bilang tao. Dulot ito ng di-makataong politika, ekonomiya, at kulturang nagkululang sa mga makataong halaga. Subalit hindi pa natin sinisimulang aminin at pagsisihan ang ating mga pagkukulang. Hangga't hindi natin nalalampasan ang simplistikong pagsisi sa mga mananalakay at tanggapin ang sariling pagkukulang, hindi natin mapagsisisihan ang sinungaling na sarili. Kung walang pagsisisi sa sariling pagkukulang, paulitulit lang nating ipapalaganap ang mga kinasanayang mapangaping pamumuhay. Hangga't hindi natin natatanggap ang ating pagkukulang sa mga magsasaka, sa mga manggagawa, at sa mga dukhang naipit sa di-makatarungang pamamalakad ng lipunan, hindi natin makikita ang tunay na kilos loob na magpapatuwid ng kaugnayan ng tao sa lupa, ng manggagawa sa kayamanan na bunga ng kanyang paggawa, at karapatan ng dukha sa isang makataong paraan ng pamumuhay. Mahalagang tandaan na ang bawat ngayon at dito ay may dalang Kapalaran at may dalang Tadhana, bagong pagkakataon ng katuparan ang bawat ngayon at dito dahil lagi tayong tinatawag ng Ordo Amoris sa ating sariling katuparan. Mahalaga lamang tanggapin ang tawag ng mga halaga sa atin. Nakasalalay sa ating pagbukas sa sariling Tadhana ang ating muling pagsilang bilang tao at bilang bayan.

Information

14 pages

Report File (DMCA)

Our content is added by our users. We aim to remove reported files within 1 working day. Please use this link to notify us:

Report this file as copyright or inappropriate

878087


You might also be interested in

BETA
You Can Understand the Bible! -- Tagalog Version
Teske\Tagalo
ang_ministeryo_ng_espiritu_santo